MANILA — Inanunsyo ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Huwebes ang pagkaaresto kay Jenalyn Hierco sa Pasig City matapos ang entrapment operation ng NBI-Anti Human Trafficking Division (NBI-AHTRAD).
Inaresto ng mga awtoridad ang suspek dahil sa paglabag sa R.A. 9208 na sinususugan ng R.A. 10364 at R.A. 11862, o mas kilala bilang “Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022” at R.A. 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act).
Ang operasyon ay nag-ugat mula sa impormasyon na natanggap ng NBI ukol sa isang alyas Myka na nagre-recruit at nag-aalok ng mga kabataang babae sa mga kliyente sa Pasig City para sa layunin ng sexual exploitation online.
Ayon sa imbestigasyon ng NBI-AHTRAD, inalok ni Myka ang kanyang mga babaeng biktima, na nasa pagitan ng edad na 15 at 17, ng pakikipagtalik kapalit ng P5,000 na cash.
Upang madakip si Myka at matuldukan ang pang-aabuso sa kanyang mga batang biktima, nagplano ang NBI-AHTRAD ng posibleng entrapment operation.
Nakipag-ugnayan ang mga operatiba ng NBI-AHTRAD kay Myka sa pamamagitan ng Facebook at nagpasya na magkita sa isang restaurant sa Shaw Boulevard sa Pasig City.
Noong Agosto 25, 2022, tumuloy ang mga operatiba ng NBI-AHTRAD sa nasabing tagpuan at sinalubong sila ni Hierco, ang umano’y kasabwat ni Myka.
Pagkaraan ng ilang sandali, nagpakita doon ang mga batang biktima, at sa katunayan ay nilapitan sila tungkol sa pagbibigay ng sexual services.
Agad na inihayag ng mga operatives ang kanilang awtoridad at pag-aresto sa kanya matapos ibigay kay Hierco ang entrapment money.
Matapos ang operasyon ay nasagip ang anim na babaeng biktima na kung saan lima sa mga ito ay minor de edad.
Kalaunan, inilipat sa kustodiya ng lokal na Social Welfare Office ang mga biktima.
Noong Agosto 26, 2022, dinala si Hierco para sa inquest proceedings sa harap ng Department of Justice, Ermita Manila.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng NBI-AHTRAD ukol sa isyu.